Dinakip ang isang 31-anyos na lalaki dahil sa panggagahasa umano sa kaniyang pinsan sa Las Piñas City.

Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Huwebes, sinabing dinakip ng Quezon City Police District sa Pasay City ang suspek matapos nilang makatanggap ng tip na roon siya nagbebenta ng cellphone at accessories.

Itinuturing ng QCPD Station 1 na ikaanim sa kanilang most wanted list ang suspek.

Nangyari ang krimen noong Pebrero 2020.

Ayon sa pulisya, sinabi ng biktima na pumunta siya sa bahay ng suspek at doon siya nito hinalay.

Pero ang suspek, dumepensang hindi siya nagtago at itinanggi rin ang mga alegasyon sa kaniya.—Jamil Santos/AOL, GMA Integrated News