Labis umano ang pasasalamat ng isang lalaking cancer survivor dahil bukod sa gumaling siya sa kaniyang sakit, nanalo pa siya ng P50 milyong jackpot prize sa Lotto 6/42 draw noong February 28, 2023.

“Ako na yata ang pinaka-masuwerteng tao sa mundo dahil mahal ako ng Diyos,” saad ng 74-anyos na winner sa inilabas na pahayag ng Philippine Charity Sweepstakes Office nitong Huwebes.

Tumama umano ang lalaki sa Lotto 6/42 noong February 28 nang mahulaan niya ang lumabas na mga numero na 26 -14 -11 -08 -07 -22, at may kabuuang premyo na P50,796,013.00.

Birthdates at birth months umano ng miyembro ng pamilya ang kombinasyon ng mga numero na tinayaan nito.

Matagal na umanong tumataya sa lotto ang lalaki, at isang taon na raw niyang inaalagaan ang tumamang mga numero.

Sinabi rin umano ng lotto winner na kabilang din siya sa mga natulungan ng PCSO sa pamamagitan ng medical assistance nang magkaroon siya ng sakit at maoperahan sa bato noong 2017.

Samantala, wala namang tumama sa Lotto 6/42 draw nitong Huwebes ng gabi, March 16, 2023.

Ang lumabas na mga numero ay 15-18-21-17-34-35, at may jackpot prize na P11,515,675.00.

Wala ring nanalo sa kasabay nitong draw na Superlotto 6/49, na ang lumabas na mga numero ay 09-27-47-07-32-46, at may premyong P25,089,706.60.

Pero sa 6D Lotto, isa ang nanalo ng jackpot prize na P691,286.00 para sa winning combination na 7-8-1-6-0-2. --FRJ, GMA Integrated News