Nahuli-cam ang panghoholdap sa isang tindahan ng cake sa Quezon City at natangay ng suspek ang aabot sa P11,000 halaga ng cash, cellphone, at pera ng mga staff ng shop.

Sa esklusibong ulat ni Nico Waje sa Unang Balita nitong Miyerkoles, sinabing nangyari ang krimen sa cake shop sa Biyak Na Bato Street.

Nasapul sa CCTV ang pagpasok at ang pangholdap ng rider. Tinutukan niya ng baril ang kahera at ipinalagay sa itim na eco-bag ang pera mula sa kaha.

Kinuha rin umano ng suspek ang cellphone ng mga staff, pati ang pera sa kanilang mga wallet bago ito tumakas.

Nagsasagawa na ng follow-up operation ang mga pulis para mahuli ang holdaper. —LBG, GMA Integrated News