Natagpuan ang bangkay ng isang lalaki sa loob ng kotse na mahigit dalawang araw nang inabandona sa may Capitol Hills Drive sa Old Balara,  Quezon City.

Sa ulat ni Ian Cruz sa Unang Balita nitong Biyernes, sinabing napansin ng ilang TNVS driver na nakaawang ang pintuan sa likod ng sedan at dun na sila kinutuban ng masama.

Pahayag ng isang saki na si Wilson Arcilla, "Tinanggalan ko muna ng alikabok ang windshield at pagsilip ko nakita ko ang isang tao na nakaganun [nakalaylay] ang kamay.

Ayon sa isa pang saksi na si Mike Felix, "Pinunasan ko ng panyo ang likuran na windshield, sinilip ko ang loob at kinatok ko baka magising ang nasa loob. E, wala eh."

Nang rumesponde ang mga taga-barangay at ang mga tauhan ng QCPD, nakumpirmang patay na ang isang lalaki sa loob, na tinatayang mahigit-kumulang 50-anyos na, ayon sa ulat.

Kabilang sa mga item na narekober ng mga pulis sa sasakyan ay mga cellphone, gadgets, at iba pang gamit gaya ng mga ID at passport. Pero hindi pa umano masabi ng mga awtoridad kung sa biktima ang mga ito, at kung ano ang sanhi ng kanyang pagkamatay,  dagdag ng ulat.

"Yun ang hihintayin natin sa autopsy na gagawin ng SOCO," ayon kay Police Lt. Morgan Aguilar, commander ng QCPD Station 6.

Ayon naman sa isang guwardiya na nakatalaga malapit sa lugar, bandang Martes ng gabi nila napansin na nakaparada ang itim na kotse, pero wala naman umano silang narinig na anumang kumosyon.

Nakipag-ugnayan na ang mga taga-barangay sa mga kalapit na establisyimento sa lugar upang makakuha ng CCTV footage. —LBG, GMA Integrated News