Nagpaalala ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na may diskwento pa rin sa pamasahe ngayong Semana Santa.Sa ulat ng GMA News Unang Balita nitong Miyerkoles, pinayuhan ng ahensiya ang mga estudyante, persons with disability at senior citizens na sasakay sa mga pampublikong transportasyon na humingi ng diskuwento at agad sabihin sa mga driver o konduktor at ipakita ang kanilang mga valid ID bilang patunay.Alinsunod sa batas na Republic Act Nos. 11314 at 10754, may 20 porsyentong bawas sa pamasahe ang mga estudyante, PWD at senior citizen kahit holiday, weekend o semestral break.Ipinaalala rin ng LTFRB na ang mga operator, at hindi ang mga driver ang dapat sumalo sa ibibigay na diskuwento, alinsunod sa LTFRB Memorandum Circular 2025-010.Kung may reklamo at usapin tungkol sa diskuwento, maaari itong ipaalam sa LTFRB sa pamamagitan ng 24/7 Viber Hotline 09567610739 at kanilang official Facebook page. —Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News