Arestado ang isang babaeng nambato umano ng gunting sa katrabaho niya sa Maynila.

Iniulat ni Darlene Cay sa Unang Balita nitong Huwebes na nangyari ang pamgbabato ng gunting habang nag-aaway ang dalawang workers sa kanilang pinagtatrabahuan sa Binondo, Manila.

"Batay sa imbestigasyon ng mga pulis, madalas umanong magtalo itong dalawang personalidad na ito ng dahil siguro sa trabaho," pahayag ni Police Maj. Victor De Leon, deputy commander ng Meisic Police Station.

Dagdag ni De Leon, "Madalas daw na utusan ng suspek itong biktima na kaagad namang ikinairita ng huli."

Uminit umano ang pagtatalo kahapon hanggang sa nauwi sa sakitan. "Nakakuha ng gunting ang suspek at ibinato niya at tumama sa likod na bahagi ng katawan ng biktima," ayon kay De Leon.

Isinugod sa ospital ang biktima at inaresto ang suspek.

Desidido umano ang pamilya ng biktima na magsampa ng reklamong frustrated murder laban sa suspek, na tumangging magbigay ng pahayag, ayon sa ulat. —LBG, GMA Integrated News