Tiyak matatakam ang mga dumaraang bata at kapitbahay dahil ang mga bunga ng mangga na nakabitin pa sa puno, binalatan na at sinamahan pa ng asin at sili ng may-ari nito sa Nueva Ecija.

Sa ulat ni Joseph Morong sa "State of the Nation," makikita na hitik na hitik sa mangga ang puno ni Jeffrey Pagio kaya naman laging nakatingala at natatakam ang mga dumaraan.

Ngunit hiyang hiya si Paguio sa mga nanunungkit, kaya siya na ang nag-adjust at tinalupan ang mga bunga ng mangga niya.

Nagluto na rin si Paguio ng bagoong para sulit ang pangangasim ng mga bata sa ipapatikim niyang mga mangga.

Para kay Paguio, “share the blessings.”

“Ang sabi ng mga bata ‘Kuya Jeff ang dami mong bunga ng mangga, nanakawin namin mamaya ‘yan.’ Sabi ko ‘Bakit niyo kailangang nakawin kung puwede ko namang ibigay sa inyo? Kung gusto niyo balatan ko pa at bigyan ko pa kayo ng bagoong,’” kuwento ni Paguio.

Natakam pati ang netizens sa manggo mukbang nina Paguio at ng kaibigan niyang mga bata. —LBG, GMA Integrated News