Kumaripas ang isang school principal matapos siyang mabulaga ng isang oso na lumabas sa loob ng basurahan sa kanilang paaralan sa West Virginia sa Amerika.

Sa ulat ni Bam Alegre sa Unang Balita nitong Miyerkoles, mapapanood sa video ng Nicholas County Board of Education na binubuksan ng principal na si James Marsh ang basurahan sa labas ng Zela Elementary School.

Matapos matanggal ang harang sa isang dulo, naglakad si Marsh sa tabi ng basurahan para buksan naman ang kabilang dulo.

Ngunit ilang saglit lamang, biglang bumukas ang takip ng basurahan at nabulaga si Marsh nang lumabas ang isang itim na oso.

Dali-daling tumakbo si Marsh dahil sa takot, habang lumabas ng basurahan ang oso at tumakbo sa kabilang direksyon.

Pagkalayo ng oso, bumalik sa lugar ang principal na napahawak sa kaniyang mga tuhod dahil sa hingal. —Jamil Santos/LBG, GMA Integrated News