Timbog ang isang lalaki na kabilang sa mga most wanted ng Quezon City Police District matapos barilin ang katransaksyon sa droga na hindi nagbayad.

Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Miyerkoles, kinilala ang suspek na si Jojo Absalon na naaresto sa isang hotel sa Angeles City, Pampanga.

Subject ng warrant of arrest sa kasong attempted homicide si Absalon na nasa likod ng pamamaril kay Jonathan Liansing Jr. noong Disyembre 2022 sa Barangay Talipapa, Quezon City.

Nagtamo ng sugat sa braso si Liansing matapos tamaaan ng bala.

Ayon sa pulisya, pumunta ang suspek sa bahay ng biktima para maningil sa utang nito na may kinalaman sa droga. Ngunit ayaw umanong magbayad ng biktima, kaya nauwi ito sa kanilang pagbubuno.

Sa kanilang pagbubuno, bumunot ng baril si Absalom at nabaril si Liansing.

Nakakulong na rin si Liansing matapos mahuli sa drug buy-bust operation nitong Enero.

Naisilbi rin ang isa pang warrant of arrest kay Absalon para sa kasong attempted murder na nangyari sa Valenzuela noong Disyembre 2022.—Jamil Santos/AOL, GMA Integrated News