Nahuli-cam sa Sampaloc, Maynila ang isang babae na pasimpleng may inihulog na bagay sa butas ng imburnal. Nang tingnan ng mga taga-barangay ang itinapong "basura" na masangsang ang amoy, tumambad ang bangkay ng isang bagong silang na sanggol.

Sa ulat ni Mariz Umali sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabing nakuhanan ng CCTV camera ng Barangay 478 ang insidente dakong 5:30 am kanina.

Sa video, makikita ang isang babae na umupo sa bangketa kung nasaan ang butas ng imburnal. Pasimple niyang ipinasok ang isang bagay sa butas at sinipa-sipa pa niya paloob bago umalis.

Isang tagawalis sa kalye ang nakakita sa iniwang bagay ng babae na nasa loob ng butas. Dahil masangsang ang amoy, isinumbong niya ito sa barangay na kaagad namang pinuntahan ng tanod.

Nang kunin ang naturang bagay na nasa loob ng butas, tumambad ang eco bag na may kahon, at nasa loob nito ang patay at nangingitim na bagong silang na sanggol, na nakakabit pa ang pusod.

Ayon kay Police Staff Sergeant Danny Kabigting, Supervisor, Investigation Section, ng Sampaloc Police Station, inaalam na nila ang pagkakakilanlan ng babae kung siya ang ina ng sanggol o inutusan lang. --FRJ, GMA Integrated News