Nasawi ang isang katao, na natagpuan sa loob ng CR, matapos sumiklab ang sunog sa isang compound sa Mandaluyong City.
 
Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Miyerkoles, sinabing tumagal ng 30 minuto ang apoy na sumiklab pasado 3 a.m. sa isang compound sa Barangay Mabini-J. Rizal.
 
Agad itong iniakyat ng Bureau of Fire Protection sa unang alarma, kung saan nirespondehan ito ng nasa walong fire truck.
 
Nagawang makalabas ng may-ari ng bahay na natutulog sa ikalawang palapag, ngunit wala siyang naisalbang mga gamit.
 
Nagsimula umano ang sunog sa ikatlong palapag, kung saan nakatira ang pamilya ng kaniyang kapatid.
 
Patuloy na iniimbestigahan ang sanhi ng apoy, habang natapos nang iproseso ng SOCO ang bangkay na natagpuan sa nasunog na bahay. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News