Pumanaw na sa edad na 51 ang beteranong aktor at direktor na si Ricky Rivero. Kinumpirma ito ng kaniyang kabiyak sa isang Facebook post Linggo ng umaga.

“Wala na po [si] Ricky S. Rivero namayapa na po[.] [Maraming] salamat sa walang sawang tulong sa asawa ko,” anunsyo ng partner ng dating “Thats Entertainment!” member.

Isinugod ang aktor sa sa ospital nitong Mayo dahil sa sakit na stroke ngunit nananatili pa ring hindi kumpirmado ang dahilan nang kaniyang pagkamatay.

Samantala, ipinaabot ng aktor na si Herbert Bautista ang kaniyang pakikiramay sa pamilya ni Ricky sa social media.

“Malungkot na araw dahil sa pag-panaw ng isang kaibigan at kasamahan sa pelikula at telebisyon,” ani Herbert.

“Paalam, Ricky. Nakikiramay ang aming pamilya sa Salvador at Rivero Families,” sabi niya.

Isa si Ricky sa mga mainstay host ng "That’s Entertainment" mula 1986 hanggang 1996. Naging bida rin siya sa mga pelikulang “Ninja Kids” at “Samurai Sword.” — DVM, GMA Integrated News