Bigo ang 40-anyos na Pinoy fighter na si Nonito Donaire Jr. na muling maging world champion sa boxing matapos matalo kay Alexandro Santiago sa kanilang sagupaan para sa bakanteng WBC world bantamweight title na ginanap sa T-Mobile Arena sa Las Vegas, Nevada nitong Linggo (Philippine time).

Nanalo ang mas batang Mexican fighter na si Santiago, 27-anyos, sa pamamagitan ng unanimous decision sa 12-round na bakbakan nila ni Donaire.

Ito na sana ang pagkakataon ni Donaire na makabawi matapos ang matinding kabiguan kontra kay Naoya Inoue, na nagpabagsak sa kaniya sa second round ng kanilang laban noong June 2022.

Sa simula ng mga unang round sa laban kay Santiago, nagpamalas ng bilis at lakas si Donaire.

Nagawa niyang yanigin ang Mexicano sa ikatlong round sa pamamagitan ng markado niyang left hook. Gayunman, nalampasan ito ni Santiago hanggang na magsimula nang mamaga ang kanan ng Pinoy boxing legend sa ika-apat na round dahil sa matutulis na jab ng kalaban.

Sa ika-pitong round, nagpamalas pa lalo ng kaniyang angas si Santiago na bahagyang nagpayanig kay Donaire. Nagpatuloy pa ito ng mga matinding birada sa katawan at ulo ng Pinoy.

Sa ika-siyam na round, nasukol ni Santiago sa lubid si Donaire, at nagpakawala na naman ng mga suntok ang Mexicano. Sa mga sumunod na round, tila kinapos na ang pambato ng Pilipinas.

Ibinigay ng tatlong judge ang panalo kay Santiago: 115-113, 116-112, at 116-112.—FRJ, GMA Integrated News