Nasawi ang lalaking most wanted ng Bicol matapos humantong sa engkuwentro ang dapat sana’y paghahain lang ng arrest warrant sa kaniya ng pulisya sa Parañaque City.

Sa ulat ni Bam Alegre sa Unang Balita nitong Huwebes, sinabing dadakipin sana ng mga operatiba ng Police Regional Office 5 sa Bicol Region ang nagngangalang Gilbert Concepcion sa Barangay San Martin de Porres pasado 6 p.m. ng Miyerkoles.

May mga outstanding warrant si Concepcion sa kasong kidnapping with murder, kidnapping and serious illegal detention, rape at direct assault.

Itinuturo ring leader ng criminal gang si Concepcion at dawit umano sa gun-for-hire, extortion, robbery at murder.

Hindi na naihain ng mga operatiba ang arrest warrant matapos magpaputok ang lalaki, dahilan para sila gumanti rin ng putok.

Bukod kay Concepcion, isa pang lalaking hindi pa natutukoy ang pagkakakilanlan ang nasawi sa engkuwentro.

Hindi kilala umano sa barangay ang mga lalaking nasawi.

Patuloy ang imbestigasyon sa engkuwentro. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News