Umupa umano ng hitman ang isang lalaki para ipatumba ang 20-anyos na dating nobyo ng kaniyang kasintahan sa Pasig City. Nagselos umano ang suspek dahil nalaman nito na nagkikita pa ang dating magkarelasyon.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News “24 Oras” nitong Lunes, sinabing gabi noong Enero 16 nang abangan at pagbabarilin ng hitman ang biktimang si Christian Azul, sa East Bank Road sa Barangay Rosario, Pasig.

Dalawang tama ng bala ng baril ang tumapos sa buhay ng biktima. Nakatakas naman ang gunman, na kinalaunan ay natukoy na si alyas na "Birador."

“Inabangan po sila sa labas ng bahay. Habang may kausap po itong biktima,” ayon kay Pasig Police Chief Police Colonel Celerino Sacro.

Sa pagpapatuloy ng imbestigasyon, nagsumite ng affidavit ang dating nobya ng biktima na itinago sa pangalang “Deliah,” at itinuro na ang kaniyang kasalukuyang nobyo ang utak sa pagpatay kay Azul.

Ayon sa babae, nagselos umano ang kaniyang nobyo nang malaman nito na nagkikita pa sila ni Azul. Siya rin umano ang kausap ng biktima nang gabing mapatay ito.

Pero paliwanag niya, nagkita sila ni Azul nang gabing iyon upang pormal nang tapusin ang kanilang naging ugnayan.

Hindi raw alam ng babae na nasundan siya ng suspek na nakasakay sa motorsiklo, at angkas ang gunman.

“Nung nalaman ng mastermind na nagkikita pa sila, doon nabuo ang plano na babarilin nila 'yung biktima,” ayon kay Sacro.

“’Yung kausap ng biktima natin ay nagbigay ng positibong impormasyon. 'Yung suspek natin at gunman saka 'yung mastermind, umuwi sa Taytay, Rizal. Wala tayong sinayang na oras, binuo natin 'yung follow-up teams, SWAT, TMRU, at 'yung Substation 7,” dagdag niya.

Nasakote ng mga awtoridad sa Taytay, Rizal ang gunman na si “Birador,” habang patuloy na tinutugis ang utak sa krimen na hindi muna inilabas ang pangalan.

Sinubukan ng GMA Integrated News na makuha ang panig ni "Birador" pero tumanggi siya.-- FRJ, GMA Integrated News