Timbog ang isang lalaki matapos niyang halayin umano ang menor de edad na kalaro ng kaniyang anak sa Maynila. 

Sa ulat ni John Consulta sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabing agad dinakip ng mga operatiba ng Women and Children Concern Section ng Manila Police ang target na suspek sa Cavite.

“Ang biktima nito ay ‘yung kalaro ng kaniyang anak na babae. Ayon sa pag-iimbestiga ng ating Women’s Desk ay kaniya pang inaanak. Kaya nagpursigi ‘yung ating Women’s Section na hulihin ito,” sabi ni Police Brigadier General Arnold Thomas Ibay, Director ng Manila Police District.

Dinakip ang lalaki sa reklamong statutory rape, bagay na kaniyang itinanggi.

“Opo hinipuan ko po siya, ‘yun lang po ang ginawa ko. Hindi po totoo ‘yung rape po eh,” saad ng suspek.

Sinabi ng MPD na natuklasan nilang may arrest warrant din ang suspek para sa kasong acts of lasciviousness para sa iba pang insidente.

Nakabilanggo na sa kasalukuyan ang lalaki sa MPD jail.

Nagpaalala ang MPD sa mga magulang na bantayan ang kanilang mga menor de edad na anak para maiwasan ang mga pananamantala, lalo’t “vulnerable” sila sa ganitong edad. —Jamil Santos/ VAL, GMA Integrated News