Nagpasalamat at nagulat ang mga mangingisda sa Pagudpud, Ilocos Norte matapos silang makahuli ng halos dalawang toneladang malalaking tuna. Sa sobrang dami ng kanilang nahuli, ipinamigay na lang ang ibang isda upang hindi masayang at mapakibangan ng mga tao.
Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Lunes, sinabing malalaki ang mga tuna na nahuli ng mga mangingisda na tumitimbang ng limang kilo hanggang walong kilo ang bawat isa.
Unang pagkakataon daw na nakahuli ng ganitong karaming tuna ang mga mangingisda ngayong taon.
Kaagad naman daw na dinumog ng mga mamimili ang mga tuna pero dahil sa dami nga ng mga ito, mayroon pa rin mga natira at hindi na nabili.
Para hindi naman masayang, sinabi ng mangingisdang si Teddy Ager, na ipinamigay na lang nila sa mga tao ang ibang isda upang hindi masayang.
Naniniwala umano ang mga mangingisda na mas maraming pang biyaya silang makukuha kung ibabahagi nila ito sa iba. – FRJ GMA News
