Nauwi sa trahediya ang biyahe ng mga papunta sa isang lamay nang lumubog ang isang motorized banca na may sakay na 13 katao sa isang ilog sa Binmaley, Pangasinan. Tatlo sa kanila, nasawi.

Sa ulat ni Sendee Salvacio sa GMA Regional TV One North Central Luzon, sinabing nangyari ang insidente noong Sabado ng gabi sa Camaley-Balogo River.

Isang bangkay ang nakita nitong Linggo ng gabi, at kaninang umaga naman natagpuan ang dalawa pa.

Kinilala ang mga nasawi na sina Renan Aquino, 36-anyos; Rian Soriano, 24; at Sheryl Soriano, 40.

Sinabi ni Maricel Soriano, kaanak ng isa sa mga nasawi, maliit umano ang ginamit na bangka na pinagsakyan sa mga bumiyahe.

Ayon sa pulisya, dahil may mga nasawi, magkakaroon ng malaking pananagutan ang nagpatakbo sa bangka na maituturing reckless imprudence resulting in homicide.

Muli namang nagpaalala ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office sa mga operator ng bangka at maging sa mga pasahero palaging magsuot ng life vest kapag bumiyahe sa ilog. – FRJ GMA News