Sa kulungan ang bagsak ng isang lalaki dahil sa panggagahasa umano sa isang menor de edad na kaniyang kainuman sa Malate, Maynila. Giit ng suspek, dati niyang nobya ang biktima at ito ang nagyaya sa kaniya.

Sa ulat ni Jhomer Apresto sa Unang Balita nitong Biyernes, sinabing jamming session lang sana ang pakay ng mga kabataan nang magkayayaan silang mag-inuman.

Ayon sa pulisya, kasama ng biktima ang pito niyang kaibigan, kabilang ang suspek. Hanggang sa malasing, mahilo at makatulog ang biktima.

Pagkaraan ng ilang oras, nagahasa na umano ang biktima.

“Paggising niya ‘yung pants niya nakababa na,” sabi ni Police Major Leonardo de Guzman, Deputy Station Commander ng Manila Police District 9.

Isinumbong umano ng biktima ang nangyari sa kaniyang ina, na agad namang nagtungo sa pulisya.

Nagkasa ng follow-up operation ang MPD at nadakip ang suspek sa kanilang bahay sa Paco.

Itinanggi ng suspek ang mga paratang sa kaniya at sinabing may relasyon sila noon ng biktima.

“Ex ko. Na-fall lang po ako bigla sa kaniya. Siya po ‘yung nag-aya po sa akin and hindi po ako umiinom,” sabi ng suspek.

Nasa kustodiya na ng MPD 9 ang suspek na naharap sa reklamong statutory rape at child abuse. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News