Nanumpa na bilang bagong pinuno ng Presidential Communications Office (PCO) nitong Lunes ang broadcast journalist na si Jay Ruiz. Inihayag niya na lalabanan niya ang fake news.

Mismong si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang nagpanumpa sa kaniyang bagong communication chief.

Sinabi ni Ruiz sa Palace reporters na lalabanan niya ang disinformation at ipapaabot sa publiko ang mga proyekto ng gobyerno.

''Ang administrasyong Marcos po, ang gusto po nila, ang gusto po ni Presidente ay maibigay ang mensahe at programa sa ating mga ordinaryong Pilipino,'' ani Ruiz.

''Ang gusto nating mangyari is malaman o maramdaman ng tao na ang gobyerno ay para sa tao. Marami pong programa ang kinakailangang malaman ng tao,'' dagdag niya.

Binigyan-diin din ni Ruiz na hindi pinapahintulutan ng administrasyong Marcos ang kasinungalingan na magdudulot ng hindi maganda sa publiko.

''Kinakailangan din po nating labanan ang fake news lalong-lalo na ang kasinungalingan kasi 'yun ang nakakasama sa atin. Bawal ang sinungaling, siyempre maraming nagpapakalat ng fake news ngayon, lalabanan po natin 'yan,'' sabi ni Ruiz.

Nagbabala rin si Ruiz sa mga vlogger na may responsibilidad sila na katotohanan ang dapat nilang ihayag sa mga tao.

''Kung kayo mga vlogger, kinakailangan natin maging responsable, may responsibilidad sa tao na magsabi ng katotohanan,'' Ruiz said.

Si Ruiz ang pumalit kay Cesar Chavez sa naturang posisyon.

Nagbitiw ang huli kamakailan dahil hindi umano niya nakamit ang inaasahan sa kaniya sa pagtupad sa kaniyang trabaho. 

Nito lang September 2024 naging PCO chief si Chavez matapos palitan naman si Atty. Cheloy Garafil.

Si Ruiz ang ika-apat na PCO chief sa administrasyong Marcos. 

Una si Atty. Trixie Cruz-Angeles, na tumagal rin lang ng ilang buwan, bago pinalitan ni Garafil— mula sa ulat ni Anna Felicia Bajo/FRJ, GMA Integrated News