Wala nang buhay ang isang lalaki nang datnan ng mga awtoridad sa Aroma Compound sa Tondo, Maynila madaling araw nitong Linggo.

Hindi nakuhanan sa CCTV ang 33-anyos na biktima na kinilala sa alyas na "Ondo" na pinagbabaril daw ng hindi pa nakikilalang salarin, ayon sa barangay.

"Binaril daw po sa pagitan ng building 22 at 26 po, bandang mga 2 o’clock po,” ani Imelda Bermejo, Barangay 105 desk officer.

“that time naman po may mga pulis po na pumunta dito sa barangay para magpa assist,” dagdag niya.

Bago ang pamamaril, nakita pa raw ang biktima na umiinom sa lugar ng kanyang live in partner sa Building 9 bago lumipat sa Building 26.

Pero, may alegasyon ang ilang residente roon na nangholdap pa umano ang biktima bago siya pinagbabaril.

“Nangholdap nga daw po, cellphone daw, yun po yung kwento pero hindi rin natin (masabi) kaso wala din talagang nagsasabi pa kung ano yung totoong pangyayari eh. Hindi natin alam baka mamaya hindi lang yun or talagang meron siyang nakaalitan at niresbakan siya,” ayon kay Bermejo.

Sinusubukan pa ito kumpirmahin sa pulisya.

Pero base sa kanilang imbestigasyon, may tama ng bala sa ulo ang biktima.

Tatlong basyo ng bala ng hindi pa tukoy na kalibre ng baril ang narekober sa crime scene.

Napag-alaman naman ng barangay na ilang araw pa lang nag nakalipas nang makalaya sa kulungan ang biktima.

Ayon kay Bermejo, “tatlong araw pa lang siyang nakalaya.”

“Meron siyang nakaalitan tapos yung ano (biktima) naman na yun, nasaksak yata pero hindi naman din nag ano (nagreklamo) yung complainant yata kaya nakalaya din po siya.”

Patuloy pa ang imbestigasyon ng Homicide Section ng Manila Police District para matukoy ang pagkakakilanlan ng salarin.

Gayundin ang motibo sa pamamaril. — BAP GMA Integrated News