May alok na P1 milyong pabuya ang Department of Justice (DOJ) na ibibigay sa sino mang makapagbibigay ng impormasyon sa kinaroroonan at magiging daan para maaresto si Cassandra Li Ong, na nahaharap sa kasong human trafficking.
Sa press briefing nitong Martes, sinabi ni acting Justice Secretary Fredderick Vida, na ang alok na pabuya ay para sa “credible, actionable information” para madakip si Ong.
“Batid naman po natin sa nakalipas ay may kakayanan sila. May kakayanan na umikot, gumalaw, at makalabas at pumasok ng Pilipinas nang hindi natutukoy,” ayon kay acting secretary.
Inihayag ni Vida ang tungkol sa pabuya matapos ipaalam ni Senador Sherwin Gatchalian sa Senate hearing na nakalaya mula sa Correctional Institution for Women (CIW) sa Mandaluyong City si Ong.
Inamin ni Vida na nahihirapan ang DOJ na masundan ang galaw ni Ong. Hindi masabi ng kalihim kung nasa bansa pa ba si Ong.
“Definitely with the current information that we have, we don’t have enough. That’s why we’re offering the reward. And it’s an effective tool,” saad niya.
Ayon sa Presidential Anti-Organized Crime Commission, huling namonitor si Ong sa Japan. Pero wala na silang ibang impormasyon matapos nito.
Kamakailan lang, kinansela ng Pasig Regional Trial Court ang pasaporte ni Ong at dating presidential spokesperson Harry Roque.
Sa video post sa Facebook, sinabi ni Roque na hindi pa pinal ang utos ng Pasig RTC, at maghahain siya ng motion for reconsideration.
Gayunman, sinabi ni Justice Undersecretary Nicky Ty na final and executory na ang utos na ipatutupad ng Department of Foreign Affairs. — Joahna Lei Casilao/FRJ GMA Integrated News

