Namataan si Atong Ang, na akusado sa kaso ng mga nawawalang sabungero, sa Calabarzon dalawang linggo na ang nakalilipas, ayon kay Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla nitong Huwebes.
“Atong Ang has a Red Notice. He was spotted in Region 4-A two weeks ago. Nakita siya,” sabi ni Remulla sa On Record sa segment ng Unang Hirit.
“We had follow-up operations. We missed him by a day,” dagdag ni Remulla.
Ayon kay Remulla, nagpapalipat-lipat si Ang ng mga taguan kada tatlo hanggang limang araw para iwasan ang pag-aresto.
“Apparently, he travels in a small group. Parang tatlo lang sila. Tapos palipat-lipat siya ng bahay every three days, four days, five days. Lipat na siya nang lipat all around the Philippines,” dagdag niya.
Bagama't ipinahiwatig sa mga naunang ulat na maaaring nakita si Ang sa Vietnam, nilinaw ni Remulla na nananatiling hindi beripikado ang mga naturang hilaw na intelligence information.
Naniniwala ang mga awtoridad na nasa Pilipinas pa rin si Ang dahil wala pang kumpirmadong rekord ng pag-alis niya sa bansa, ayon pa kay Remulla.
Naglabas na ng mga warrant of arrest laban kay Ang at iba pa, na nag-ugat sa maraming bilang ng kidnapping with homicide at kidnapping at serious illegal detention kaugnay ng kaso ng mga nawawalang sabungero.
Itinanggi ni Ang ang mga paratang laban sa kaniya.
Nauna nang hiniling ng mga awtoridad ng Pilipinas ang pag-isyu ng Interpol red notice laban kay Ang.
Batay sa kahulugan ng Interpol, ang red notice ay isang kahilingan sa mga tagapagpatupad ng batas sa buong mundo na hanapin at pansamantalang arestuhin ang isang tao habang nakabinbin ang ekstradisyon, pagsuko, o katulad na legal na aksyon.
Nakadepende sa bawat bansa kung paano nila ipatutupad ang red notice.
Halagang P20 milyon ang gantimpala para sa impormasyong magreresulta sa pag-aresto kay Ang.—Jamil Santos/AOL GMA News

