Nasawi ang isang 18-anyos na babaeng estudyante na angkas sa motorsiklo nang mabangga at magulungan siya ng isang ambulansiya na counter-flow sa Archbishop Reyes Avenue flyover sa Cebu City nitong Martes.

Sa ulat ni Fe Marie Dumaboc ng GMA Regional TV Balitang Bisdak sa GMA News “Saksi” nitong Miyerkoles, sinabing papasok na sa paaralan ang biktima at kaklase niya nang mabangga sila ng ambulansiya.

Nalaglag ang biktima at nagulungan pa ng ambulasiya na nagdulot ng matinding pinsala sa ulo. Kritikal naman ang kalagayan ng kaniyang kaklase na rider ng motorsiklo.

Base sa imbestigasyon, may pasyenteng dadalhin ang ambulansiya sa Cebu City Medical Center nang mangyari ang insidente.

Hindi pa umano nakakapagdesisyon ang pamilya ng biktima kung makikipag-areglo sa driver ng ambulansiya, na nasa kustodiya ng traffic enforcement unit.

Nagpaalala naman ang Bureau of Fire Protection Cebu City, sa mga driver ng emergency vehicle na iwasan mag-counterflow, at kung gagawin ay dapat maging maingat.

Dahil sa mga insidenteng sangkot ang motorsiklo, inirerekomenda ng Cebu City Transportation Office na ipagbawal ang pagdaan ng mga motorsiklo sa Archbishop Reyes Avenue flyover. — FRJ/GMA News