Itinanggi ng aktor na si Rob Sy ang alegasyon ng pambu-bully na ginawa umano ng kaniyang anak laban sa anak ng actor-politician na si Alfred Vargas.
Kamakailan lang, nagsampa ng reklamo si Alfred at asawa nito na si Yarmine, laban kina Rob at sa kaniyang partner, bunsod ng hindi raw pag-aksyon nina Rob kaugnay sa umano’y pambu-bully ng kanilang anak, laban sa anak nina Alfred.
Sa isang pahayag na ipinadala sa “Fast Talk with Boy Abunda” noong Miyerkules, sinabi ni Rob na hindi totoo ang mga paratang ng kampo ni Alfred at binaliktad umano ang kuwento.
"Nakasisiguro po kayo na sa likod ng camera, ako ay isang mapayapang tao at walang kasalanan sa mga ibinibintang sa amin. Ganon din ang aking partner at nag-iisang anak. Siya po ay maayos at responsable naming pinalalaki," saad ni Rob.
"Marami pong testigo at dokumento na magpapatunay kung sinu-sino talaga ang nambully--bata man o matanda-- at kung paano nangyari ang pambu-bully noong February 2026," patuloy niya.
Dagdag pa ni Rob, lalabas din ang katotohanan sa tamang panahon at sa tamang forum. Hiniling niya ang pang-unawa ng lahat at itigil ang panghuhusga habang hindi pa nailalahad ang buong kuwento.
Sa isang post sa Instagram, sinabi ni Rob na haharapin nila ng kaniyang partner ang reklamong inihain laban sa kanila sa Manila Prosecutor’s Office.
"Sobrang sakit bilang magulang na maakusahan ang aking eight-year-old na anak, lalo na't hindi totoo at malinaw na binaliktad ang naratibo. Tama na! Sobra na! Labis na ang paninira," saad ng aktor. "Ipaglalaban po namin ang katotohanan."
Sinubukan ding kunan ng pahayag ng “Fast Talk” si Alfred, ngunit tumanggi na itong magkomento dahil nakapaghain na sila ng reklamo ng kaniyang asawa.
Sa naunang pahayag, sinabi ni Alfred na nilabag umano nina Rob at partner nito ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act, at nabigo silang gampanan ang kanilang legal na tungkulin sa ilalim ng Family Code, na gabayan at disiplinahin ang kanilang anak.
Isa sa mga insidente ang nangyari umano sa isang swimming competition noong Pebrero. Ayon kay Alfred, itinulak umano ng anak ni Rob ang kanyang anak sa gilid ng pool habang nagwa-warm-up, na muntik pang magdulot ng pinsala.
"Bilang ama, may isang bagay na hindi mo kayang tiisin: ang makita ang anak mo na inaapi," saad ni Alfred. "Hindi ito simpleng 'away ng bata.' Hindi ito bagay na dapat palampasin."
"Bullying is not normal. It is not harmless. It is not acceptable. Maaari sanang maiwasan ang insidente na ito kung hindi napabayaan ang bata ng magulang. Kaya ngayon, pinili naming lumaban. Hindi para maghiganti kundi para manindigan para sa anak ko at para sa lahat ng batang natatakot magsalita," dagdag niya.—Nika Roque/FRJ GMA News

