Dalawang magkapatid na nagtatrabaho bilang parking boy ang nasugatan matapos silang atakihin at bugbugin gamit ang mga tubo sa gitna ng isang rambol sa Barangay Canelar, Zamboanga City, kaninang madaling araw ng Miyerkules, Abril 15, 2026.

Sa ulat ni Efren Mamac sa GMA Regional TV One Mindanao, makikita sa video footage ang isang biktima na nakahandusay sa kalye habang paulit-ulit siyang sinisipa at hinahampas ng tubo.

Isa pang lalaki ang hinabol ng ilang kalalakihang may dala ring mga tubo hanggang sa makorner siya at bugbugin din.

Ayon sa pulisya, magkapatid ang mga biktima na may edad na 35 at 26. Dinala sila sa ospital at nasa maayos na kondisyon na.

Sa isinagawang hot pursuit operation ng pulisya, dalawang lalaki na edad 28 at 20, na sangkot umano sa rambol ang naaresto. Nakatakas naman ang iba pang mga sangkot.

Iniimbestigahan pa ng mga awtoridad ang dahilan ng rambol.

“With regard sa mauling incident, nagko-conduct pa kami ng thorough investigation para ma-confirm talaga namin kung saan ba nag-umpisa ang away nila,” ayon kay Zamboanga City Police Station 11 Commander, Police Capt. Abudaziz Salahuddin.

Sasampahan ng reklamong physical injuries ang naarestong dalawang suspek.—FRJ GMA News