Nakauwi na sa Pilipinas ngayong Miyerkoles ang 363 Pilipino na galing sa Gitnang Silangan. Kasabay nilang dumating ang mga labi ng 20 overseas Filipino workers (OFWs).

Sa isang video post sa social media ng Department of Migrant Workers (DMW), makikita ang pagbasbas ng pastor at pari sa mga labi ng OFWs, bago sila kunin ng kani-kanilang pamilya.

Nandoon din sina DMW Undersecretary Felicitas Q. Bay, Undersecretary Dominique Rubia-Tutay, at mga kinatawan ng DMW at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).

“Sa pangunguna ng OWWA at katuwang ang iba pang ahensya ng pamahalaan, maayos na naiproseso at naasikaso ang kanilang pag-uwi upang matiyak ang maayos na paghatid sa kanilang mga mahal sa buhay,” ayon sa pahayag.

“Kaagapay rin ang pamahalaan sa pagbibigay ng kinakailangang tulong at suporta sa kanilang mga naiwang pamilya sa panahong ito ng pagdadalamhati,” dagdag nito.

Humingi umano ng privacy ang mga kaanak ng mga pumanaw ng OFWs.

Nilinaw ng OWWA na pumanaw ang mga OFW dulot ng "natural causes" at hindi dahil sa nagaganap na kaguluhan sa Middle East.

Samantala, dakong 5:30 a.m., nang dumating ang 328 OFWs sa Ninoy Aquino International Airport sakay ng isang Kuwait Airlines flight.

Ilang minuto naman ang lumipas, dumating ang isa pang eroplano lulan ang 35 Pinoy repatriates na kinabibilangan ng 21 OFWs at kanilang tatlong kaanak na mula sa Dubai at 11 OFWs na mula sa Lebanon. —Jiselle Anne C. Casucian/FRJ GMA News