Inilahad ng National Bureau of Investigation nitong Miyerkoles na inaresto nila ang online media network personality na si Franco Mabanta matapos niyang subukang kikilan umano si dating speaker at kasalukuyang Leyte 1st District Representative na si Martin Romualdez.

Sinabi ni NBI Director Melvin Matibag na nadakip si Mabanta sa isang entrapment operation.

Sinasabi umano ng suspek na mayroon siyang mga video na nagpapakitang sangkot si Romualdez sa flood control mess.

Pinilit umano ni Mabanta si Romualdez na magbayad ng P350 milyon at kung hindi ilalabas niya ang mga nasabing video sa Peanut Gallery Media Network, na kaniyang itinatag.

Inaresto ang suspek matapos makatanggap ng P300 milyon na marked money.

Mahaharap sa reklamong robbery by extortion in relation to violations of the Cybercrime Prevention Act ang media personality.

Hiningian na ng GMA News Online ng komento ang opisina ni Romualdez ngunit wala pa itong inilalabas na pahayag.

Sino si Mabanta?

Isang Pilipinong digital strategist, social media personality, at political commentator si Mabanta na sumikat noong pambansang halalan noong 2022 dahil sa kaniyang pagsali sa mga online political campaign na sumusuporta kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Sa isang Facebook post noong 2019, nagsulat si Mabanta tungkol sa kaniyang inilarawan bilang “warm memories and awesome anecdotes” mula sa kaniyang pakikibahagi sa political campaign ni Marcos.

“Being a strategist and the chief social media director for the Marcoses was unlike anything I had experienced in my life—not so much because theirs is indisputably the most crucial last name in Philippine history, but more because I was working for a proper human being, a truly good person,” sabi niya.

Sa pagdaan ng mga taon, nagkaroon si Mabanta ng following sa Facebook, Instagram, YouTube, at iba pang platform sa pamamagitan ng kaniyang mga komentaryong pampolitika, mga livestream, at mga talakayan tungkol sa mga pambansang isyu.

Kilala rin siya bilang isa sa mga tagapagtatag ng Peanut Gallery Media Network (PGMN), isang digital media platform na inilunsad noong 2024 na gumagawa ng komentaryong pampolitika at online content.

Batay sa impormasyong inilahad sa publiko, itinuturing ng PGMN ang kanilang kompanya bilang isang independiyenteng media network na nakatuon sa politika, governance, at mga isyung panlipunan.

Itinatampok sa plataporma ang ilang mga host at komentarista na tumatalakay sa mga kasalukuyang kaganapan at mga pambansang kontrobersiya, at pangunahing masusubaybayan sa pamamagitan ng mga social media channel kabilang ang Facebook, YouTube, Instagram, at TikTok.

Nananatiling aktibo si Mabanta online, regular na nagpo-post ng kaniyang mga opinyong pampolitika, mga panayam, at commentary videos. Inilalarawan siya ng kaniyang Instagram account bilang kasali sa PGMN at media production. —VBL GMA News