Sapul sa CCTV camera ang pagtangay ng apat na lalaki sa motorsiklo ng isang estudyante sa Llano, Caloocan. Ang isa sa mga suspek, natukoy na ang pagkakakilanlan.

Sa ulat ni Gabriel Gonzales sa GMA News Unang Balita nitong Biyernes, nahuli-cam sa Barangay 167 ang pagpapabalik-balik ng apat na lalaking sakay ng tatlong motorsiklo nitong madaling araw ng Sabado, Hunyo 6.

Limang minuto ang lumipas, nakunan din ang grupo sa isa pang CCTV na may itinutulak nang motorsiklo, na pag-aari pala ng isang second-year marine engineering student.

“‘Yung mother ko po is nagising ng 4 a.m., tapos pumunta po sa kuwarto. Akala niya raw po kasi umalis ako. Akala niya po po lumabas daw po ako, bumili. Doon na po siya kinabahan po na lumabas po agad siya. Tingnan niya 'yung paligid na nawawala nga daw po 'yung motor,” sabi ng estudyanteng may-ari ng motor.

Agad humingi ng tulong sa pulisya ang biktima.

Pagkasuri ng Caloocan Police sa kuha ng CCTV footage, natukoy ang pagkakakilanlan ng isa sa mga suspek na tumangay ng motorsiklo.

Sa backtracking, huli umanong namataan ang suspek sa ibang lugar sa North Caloocan noon ding Sabado.

Sinampahan na ng reklamong paglabag sa New Anti-Carnapping Act of 2016 ang natukoy na suspek, na at large pa sa ngayon.

Patuloy ang pagsasagawa ng follow-up operation para matukoy ang pagkakakilanlan ng tatlo niyang kasama.

“Kung sino man po 'yung kumuha, hindi po kayo yayaman diyan, boss. Lumaban na lang po kayo nang patas. I-surrender niyo lang, boss, kasi kailangan ko rin kasi talaga sa pamasok ‘yan sa school, boss. Wala kasi akong service.” mensahe ng biktima sa mga suspek.

Nakikipagtulungan na rin ang barangay sa pagtugis sa suspek.

“Talaga pong dayo dito sa lugar namin. Marami pong lusutan po talaga ang Llano. Lagi na lang nila i-double lock ang kanilang mga motor po. Hangga’t maaari, lagyan po nila ng mga mas matibay na lock po,” sabi ni Joaquin Palo, Executive Officer ng Barangay 167.—Jamil Santos/FRJ GMA News