Isang lalaki ang nasawi matapos na makuryente nang mahulog siya sa isang sapa na may nakalubog na kable ng kuryente habang may nagaganap na sunog sa Barangay Camaman-an, sa Cagayan de Oro, nitong Linggo, Hunyo 7, 2026.

Sa ulat ni Cyril Chaves sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Lunes, sinabing nagsimula ang sunog dakong 9:00 am sa Adela Compound at itinaas ito sa ikalawang alarma.

Nahirapan ang mga rumespondeng bumbero na marating ang lugar, dahil makitid na tulay sa sapa ang tanging daan patungo sa pinangyarihan ng sunog.

Inilikas ng barangay ang mga residenteng naapektuhan, at binigyang-prayoridad ang mga nakatatanda at mga bata.

Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), mahigit 20 bahay ang natupok ng apoy. Tinatayang umabot sa humigit-kumulang ₱600,000 ang pinsala sa mga ari-arian.

Sa kasagsagan ng sunog, nangyari ang pagkahulog ng lalaki sa sapa na may kuryente.

Ayon kay Nazareth Fire Station Chief Operations SFO3 Darwin Levi Quidet, kaagad na inialis sa tubig ang biktima at binigyan ng CPR habang hinihintay ang ambulansya.

Isinugod siya sa ospital pero kinalaunan ay binawian din ng buhay.

Pansamantalang tumutuloy ang mga biktima ng sunog sa barangay covered court.

Ayon sa may-ari ng bahay kung saan umano nagsimula ang sunog, nakita ng kaniyang anak ang pagliyab o pag-spark mula sa isa sa kanilang saksakan ng kuryente nang isaksak ang isang ceiling fan.

Iniutos naman ni Mayor Rolando Uy sa City Social Welfare and Development Office (CSWDO) ang pagtulong sa mga nasunugan. –FRJ GMA News