Nauwi sa trahedya ang pinuntahang birthday celebration ng mag-asawang Pilipino nang malunod sila sa isang lawa habang nagpa-paddle boarding sa Murrin Provincial Park sa Canada.
Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Huwebes, kinilala ang mag-asawang tubong-Pampanga na sina Genesis Jeru Bague at Mariz Bello.
Nangyari ang insidente sa mag-asawang parehong 33-anyos sa Browning Lake, na nasa loob ng Murrin Provincial Park noong May 30.
Parehong nagtatrabaho na sa Vancouver ang mag-asawa at umuwi sila sa bansa noong nakaraang taon para sorpresahin ang kanilang mga pamilya.
Nakikipag-ugnayan na ang mga pamilya ng mag-asawa sa mga kinauukulang tanggapan sa Canada at Pilipinas upang asikasuhin na maiuwi sa bansa ang kanilang mga labi.
“Sobrang bigat kasi sobrang daming gumuho sa mga pangarap ni Mariz. Sobrang laking panghihinayang namin lalo na sa kanilang dalawa dahil bubuo pa lang sana sila ng pamilya nila,” malungkot pahayag ni Angelie Bernel, kapatid ni Mariz. – FRJ GMA News
