Inihayag ng aktor na si Dennis Trillo na Mabuti na ang lagay ng kaniyang anak na si Calix matapos na masangkot sa isang car accident.

Sa ulat ni Aubrey Carampel sa GMA News “24 Oras” nitong Huwebes, nagbigay ng update ang Kapuso actor tungkol sa kalagayan ng kaniyang anak.

“Sa awa ng Diyos wala namang masyadong masamang nangyari sa kaniya except sa kaunting bruises at fracture sa kamay. Buti na lang ‘yung fracture niya sa kamay, hindi ‘yon ang ginagamit niya pang-fencing. ‘Yung kabilang kamay ‘yung na-injure,” ayon kay Dennis.

“Pero malapit na ring tanggalin ‘yung cast niya and OK naman,” dagdag niya.

Ayon kay Dennis, itinuturing nilang isang himala ang pagkakaligtas ng anak at pinaalalahanan niya si Calix na laging mag-ingat.

“Sabi ko sa kaniya, napakaimportante magpasalamat ka sa bawat oras na binibigay sa’yo lalo na sa ganitong mga aksidente na alam mo ‘yon, wala masyadong napinsala, wala masyadong naabala. At ikaw, lalo na siyempre ‘yung buhay mo, napakaimportante,” pagbahagi ng aktor.

Nitong nakaraang buwan nangyari ang aksidente, at ibinahagi ni Dennis sa isang Facebook post na deleted na, na “total wreck” ang sasakyan na si Calix ang nagmamaneho.

Ayon sa naturang post ni Dennis, walang ibang sasakyan at tao na nadamay sa aksidente.

Si Calix ay anak ni Dennis sa dati niyang partner na si Carlene Aguilar. —Jade Veronique Yap/FRJ GMA News