Inanunsyo ng Live Nation Philippines sa Instagram na sold out na ang lahat ng tiket para sa nakatakdang mga concert ng BTS sa Bulacan.

Nagsimula ang general ticket sale nitong Huwebes ng 11:00 am.

Samantala, isinagawa ang ARMY Membership presale noong Hunyo 9 at ang Live Nation presale noong Hunyo 10. Ubos na rin ang lahat ng tiket na inilaan para sa naturang mga presale.

Sinimulan ng BTS na binubuo nina RM, Jin, Suga, J-Hope, Jimin, V, at Jungkook, ang kanilang Arirang World Tour noong Abril sa South Korea. Bahagi ito ng promosyon para sa kanilang comeback album na Arirang na inilabas noong Marso.

Nakatakdang magtanghal ang BTS sa Philippine Sports Stadium sa Bulacan para sa dalawang gabing concert sa Marso 13 at 14, 2027.

Ilalabas din ng BTS ang kanilang bagong single na Come Over sa Hunyo 12 at ang music video ng Merry Go Round sa Hunyo 19.

Nakatakda ring magtanghal ang South Korean boy band sa taunang iHeartRadio Music Festival sa Setyembre sa Las Vegas, USA. —Nika Roque/CDC GMA News