Bahagyang tumaas ang net satisfaction rating ni Vice President Sara Duterte nitong Hunyo 2026 bago ang kaniyang impeachment trial sa Senado. Ayon 'yan sa survey na ginawa ng Social Weather Stations (SWS) na inilabas nitong Huwebes.
Batay sa survey na isinagawa mula Hunyo 20 hanggang 29, lumitaw na 58% ng mga adult Pinoy ang nagsabing nasisiyahan sila sa ginagawa ni Duterte, habang 26% ang nagsabing hindi sila nasisiyahan.
Dahil dito, lumabas na +31 ang net satisfaction rating ng bise presidente. Mas mataas ito ng dalawang puntos kumpara sa +29 noong Marso 2026.
"The 2-point increase in Vice-President Duterte’s net satisfaction rating from March 2026 to June 2026 was due to an increase in Balance Luzon, combined with a smaller increase in Mindanao and a decrease in Metro Manila, while the Visayas held steady," paliwanag ng SWS.
Nananatiling pinakamataas ang net satisfaction rating ni Duterte sa Mindanao na +84, sinundan ng Visayas na +36, Balance Luzon na +10, at Metro Manila na +3.
Isinagawa ang survey sa pamamagitan ng harapang panayam sa 1,200 adult respondents mula sa iba't ibang panig ng bansa. May tig-300 na respondents sa Metro Manila, Balance Luzon (Luzon maliban sa Metro Manila), Visayas, at Mindanao.
Ang survey ay may margin of error na ±3 percentage points sa national, at ±6 percentage points para sa apat na geographic areas.
Na-impeach si Duterte ng Kamara de Representantes noong Mayo dahil sa mga alegasyong kinabibilangan ng umano'y maling paggamit ng confidential at intelligence funds, pagbabanta umano sa buhay ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at ng kanyang pamilya, at hindi maipaliwanag na yaman.
Nagsimula ang impeachment trial noong Hulyo 6.
Itinanggi naman ni Duterte ang mga alegasyon at inilarawan ang impeachment case bilang may motibong pulitikal. – Vince Angelo Ferreras/FRJ GMA News

