Bukod sa sakit na leptospirosis at iba pang disgrasya na maaaring makasagupa sa baha, may posible ring makasabay na hayop na lumalangoy sa baha—tulad ng malaking sawa.

Gaya nang nahuli-cam ng Youscooper sa Olongapo City na isang mahabang sawa ang nakitang lumalangoy sa mataas na baha sa labas ng mga bahay.

Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Lunes, sinabi ng Youscooper na si John Marlon Licopit, nakita niya ang sawa noong Sabado sa Barangay Sta. Rita.

Nadidinig sa video na napahiyaw ang ilang residente nang makita ang lumalangoy na sawa na tila naghahanap ng masisilungan.

Sa pambihirang pagkakataon, naranasan umano sa ilang lugar sa lungsod ang mataas na baha dahil sa walang tigil na pag-ulan na dulot ng Habagat, at sinabayan pa ng high tide.

Hindi na nalaman ni Licopit kung saan na nagpunta ang sawa. – FRJ GMA News