Namaga umano ang ilong ng isang Grade 8 student dahil umano sa ginawang paghampas sa kaniya ng guro gamit ang yantok na pang-arnis sa San Mateo National High School sa Rizal. Ang mga magulang ng bata, hiniling sa mga awtoridad na imbestigahan ang insidente kahit humingi na umano ng paumanhin ang guro.

Ayon sa ama ng estudyante, napansin niyang namamaga ang ilong ng kaniyang anak matapos ang insidente na nangyari noong Miyerkules.

Sinabi ng ama na ikinuwento ng kaniyang anak na sinubukan nitong umalis sa paaralan makalipas ang 6:00 pm dahil nakatakda itong tumugtog ng musika sa isang prayer meeting.

Ayon sa ama, nagalit umano ang guro nang igiit ng kaniyang anak na umalis, at nauwi sa paghampas umano ng yantok sa estudyante.

“Nakita ko maga yung kaniyang nose bridge. May tama. Sinabi niya na sa akin. Pinalo siya ng teacher ng arnis,” kuwento ng ama sa ulat ni Gabriel Gonzales sa GMA News Unang Balita nitong Lunes.

Pero hindi umano iyon ang unang pagkakataon na pinalo ng yantok ng guro ang estudyante.

Sinabi ng ama na ikinuwento ng kaniyang anak na ilang beses na rin umano siyang hinampas ng guro, kabilang ang insidente na tinamaan siya sa ulo.

Nang tanungin kung ilang beses na siyang sinasabing hinampas, sinabi ng estudyante na hindi na niya mabilang sa buong school year.

Ipinaliwanag ng estudyante na pinili niyang huwag sabihin sa kaniyang mga magulang ang ginagawa umanong pananakit ng guro dahil ayaw niyang madagdagan pa ang problema ng kaniyang mga magulang.

Nais din niyang mapanatili umano ang maayos na ugnayan nila sa kaniyang guro.

Iniulat ng pamilya ang insidente sa barangay noong Miyerkules ng gabi. Kinabukasan, nakipagpulong ang pamilya sa guro at sa punong-guro ng paaralan.

Ayon sa ama, sinabi umano ng punong-guro na ililipat ang estudyante sa ibang seksyon at hindi na papayagang gumamit ng yantok ang guro.

Sa isang pahayag sa GMA News, sinabi ng guro na humingi na siya ng paumanhin sa estudyante at sa pamilya nito, na ginawa sa harap ng administrasyon ng paaralan.

Tinanggap naman umano ng pamilya ang kaniyang paghingi ng patawad.

Sinabi rin ng guro na seryoso niyang ginagampanan ang kaniyang mga responsibilidad at naniniwala siya sa pananagutan at pagiging patas.

Bagama’t sinabi ng paaralan na nagkaroon na ng pagkakaunawaan ang pamilya at ang guro, magpapatuloy ang imbestigasyon upang matukoy kung nasunod ang mga patakaran ng paaralan, kabilang ang Child Protection Policy ng Department of Education (DepEd).

Sinabi naman ng ama ng estudyante, na determinado siyang ituloy ang reklamo laban sa guro.

“Nag-sorry then I forgive. But kailangan mong harapin kung ano yung consequences na ginagawa mo,” aniya.

Nakarating na rin sa Department of Education ang insidente.

Ayon sa isang opisyal ng DepEd, naisumite na ng paaralan ang kanilang ulat at naghihintay ang division office ng kautusan mula sa regional director bago pormal na simulan ang imbestigasyon.

“The school already submitted its report. So ngayon sir, naghihintay po kami ng order coming from the regional director para po makapagsimula na kami ng investigation,” ayon sa opisyal.

Nilinaw ng DepEd Rizal na bagama’t may awtoridad at responsibilidad ang mga guro na disiplinahin ang mga mag-aaral, pero may hangganan ang naturang awtoridad.

Sa ilalim ng DepEd Order No. 40 series of 2012, o ang Child Protection Policy, kinakailangang protektahan ng mga paaralan ang mga mag-aaral laban sa pisikal, sikolohikal, seksuwal, at iba pang anyo ng karahasan.

Ayon pa sa opisyal, ang disiplina ay dapat na positibo, hindi marahas, at naglalayong itama ang pag-uugali, habang isinasaalang-alang ang kilos at kalagayan ng mag-aaral.

Hinimok din ng DepEd ang mga magulang na makaranas ng katulad na insidente ang kanilang anak na i-report ito sa mga division o regional office.

Ang mga hindi personal na makapunta sa tanggapan ng DepEd ay maaaring magpadala ng reklamo sa childsafe.calabarzon@deped.gov.ph. — Sherylin Untalan/FRJ GMA News