Duguan na naabutan ng mga awtoridad ang isang 18-anyos na lalaki na nakatali sa puno at may nakatarak na patalim sa kaniyang ulo sa Arevalo, Iloilo City. Bago pumanaw, naisumbong ng biktima kung sino ang nasa likod umano ng karumal-dumal na krimen.

Sa ulat ni Kim Salinas sa GMA Regional TV Ratsada Balita nitong Lunes, sinabing nangyari ang insidente sa Barangay Calaparan nitong Linggo ng gabi.

Isinugod sa ospital ang biktima pero binawian din ng buhay. Pero bago malagutan ng hininga, naituro nito ang isang miyembro ng LGBTQIA+ community ang nasa likod umano ng krimen.

Naaresto kinalaunan ng mga pulis ang LGBTQIA+ member na 18-anyos, at isang babae na 19-anyos.

Ayon kay Police Colonel Wilbert Parilla, director ng Iloilo City Police Office, magkarelasyon umano ang biktima at suspek na LGBTQIA+ member.

Sadyang may usapan umano ang dalawa na magkikita sa lugar kung saan naganap ang krimen. Dati na rin umanong ginagawa ng dalawa ang pagtali sa biktima sa puno at binibigyan siya ng P1,000.

Subalit nang gabing iyon, nag-away umano ang dalawa nang sabihin ng suspek na wala siyang pera na ikinagalit ng biktima. Kahit nakatali, nagbanta umano ang biktima na papatayin niya ang suspek, kaya inuhan na niya.

Sa babaeng suspek umano galing ang patalim na ginamit sa krimen.

Hinala ng pulisya, planado ang ginawa ng suspek at patuloy pa ang kanilang imbestigasyon sa pag-alam sa tunay na motibo sa krimen. – FRJ GMA News