Inaresto ng mga pulis-Maynila ang isang lalaking paulit-ulit umanong ginahasa ang sariling anak na menor de edad. Mariin namang itinanggi ng akusado ang alegasyon.
Sa kuwento ni alyas Joanna na tumatayong legal guardian ng bata, June 3, 2016 nang maganap ang unang panghahalay umano sa biktima na noo'y apat na taong gulang pa lang.
Nangyari raw ito sa mismong bahay pa nila sa Bagong Silang, Caloocan. Nasundan pa raw ito nang ilang beses sa loob ng dalawang taon.
Pero ngayong taon lang nalaman ni Joanna ang sinapit ng kanyang pinsan matapos itong isumbong sa kanya ng panganay na kapatid ng bata.
Ayon kay Joanna, nangyayari ang insidente kapag nalalasing ang 54-anyos na akusado.
Sa medico legal, nakumpirma ng forensic group ng Philippine National Police na may indikasyon na napuwersa ang bata.
Sa kuwento mismo ng biktima na ngayo'y 14-anyos na, una siyang nagsumbong sa kanyang lola ngunit sinabihan siya na huwag magsumbong sa iba.
Sinisikap ng GMA News na kuhanan ng pahayag ang lola ng bata.
Ilang buwan din umanong nagtago sa Maynila ang akusado at nagtrabaho bilang welder sa kanilang kaanak.
Nitong Agosto raw nang makita ni Joanna na lumabas na ang warrant of arrest. Agad siyang nakipagtulungan sa Manila Police District.
Isang babaeng pulis ang nagpanggap na makaka-date ng akusado. Pumayag ang akusado na makipagkita sa nasabing babaeng pulis sa likod ng isang mall sa Sta. Cruz, Maynila.
Dito na siya sinilbihan ng warrant of arrest.
Tumangging magsalita sa camera ang akusado pero mariin niyang itinanggi ang mga paratang laban sa kanya.
Mananatili sa kustodiya ng Sta. Cruz Police Station ang akusado habang hinihintay ang commitment order ng korte. —KG GMA News
