Marami ang naantig ang damdaman sa nahuli-cam na tagpo sa karagatan ng Perth sa Australia na tila akay-akay ng isang inang dolphin ang pumanaw niyang anak o calf.

Sa ulat ng GMA News 24 Oras nitong Biyernes, sinabing itinutulak din ng inang dolphin pataas ng tubig ang kaniyang anak kapag lumulubog ito.

Tila ayaw umanong maiwan ng inang dolphin ang kaniyang anak sa kinabibilangan nilang pod o grupo ng mga dolphin.

Ayon sa nag-upload ng video na isang whale conservation organization na Geograph Marine Research, pamilyar sila sa naturang inang dolphin na pinangalanan nilang “Fraggle.”

Ilang beses na umanong namatayan ng anak si Fraggle, at ang pumanaw na anak nito sa video ay posible raw namatay dahil sa pneumonia.

Ang pag-alaga sa mga maysakit, sugatan o namatay nitong kapuwa ay isang ugali na tinatawag na “epimeletic” behavior, at naobserbahan umano ito sa mga dolphin, orca at iba pang cetacean.

“Epimeletic behavior is yung postmortem na attentive behavior na tinatawag natin. Dito pumapasok yung maternal instinct sa pangangalaga ng mga anak nila,” ayon kay Prof. Glennville Castrence, ng College of Fisheries and Aquatic Sciences, MSU, GenSan.

Ikinukonsidera umano ang mga dolphin na may mataas na antas ng katalinuhan at complex ang makeup ng kanilang central nervous system.

Hindi pa tiyak ang mga eksperto kung ang ikinilos ni Fraggle ay katumbas ng pagluluksa, gaya ng nararanasan ng mga tao.

Gayunpaman, ipinakita umano sa naturang tagpo ang matinding ugnayan ng dolphin sa kanilang mga anak. –FRJ GMA News