Nagsimula lamang sa simpleng pamamanas, halos walong taon na ngayong patuloy sa paglaki ang kaliwang hita, binti at paa ng isang ginang, na kaniyang itinatago sa bestida sa San Fabian, Pangasinan. Ano nga kaya ang kaniyang kondisyon na nagpapahirap sa kaniya? Alamin.

Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” ipinakilala ang 44-anyos na si Gerlie Mayugba, na tinututulungan ngayon sa bahay ng kaniyang 11-anyos na anak na si Gab.

“Parang may lobo sa loob kapag nag-i-inflate. Minsan, parang puputok. Dati, 'yung isa lang ang lumalaki, pero ngayon dalawa na.

Kapag kumirot ito (kanang binti), sasabayan nito (kaliwang binti). Delikado na,” sabi ni Girlie.

Sa kanilang tahanan, pumuwesto si Gerlie malapit sa bintana, at dahan-dahang lumalakad papunta rito gamit ang kaniyang tungkod.

“Kaunting lakad lang po, hinihingal na ako,” sabi niya.

Pinagkasya na ni Gerlie sa isang maliit na sulok ang kaniyang mga pangangailangan para madali niya itong maabot-- gaya ng kape at mga gamot, at kaniyang salamin.

Dahil sa maselan ng kaniyang kondisyon, laging tinitiyak ni Gerlie na malinis ang kaniyang mga binti. At kahit hirap abutin ang mga paa, laging ginugupitan ni Gerlie ang kaniyang mga kuko.

Pinapahiran niya naman ng agua oxinada ang mga singit-singit ng kaniyang binti.

Ang anak niya namang si Gab, tinitiyak munang may pagkain, tubig at gamot ang kaniyang ina bago siya pumasok sa eskuwela.

“Minsan hihingi po ako sa bahay kung meron po sila. Kung wala, titiisin ko na lang,” sabi ni Gab. “Minsan nahihirapan po ako, gutom na gutom po ako eh.”

Makaraang lumobo ang mga binti ni Gerlie, mahahabang bestida na ang lagi niyang suot para maitago ang kondisyon.

“Ang sexy ko noon, dati mga mini skirt ang suot ko noon. Iniisip ko na, maibabalik ko pa ba ito, ang dating katawan ko? Kaya ko po ini-AI ‘yung mga picture ko para naman sumaya ako kapag makita ko,” sabi niya.

Bago nito, tindera ng isda si Gerlie na katuwang ang mister na si Jay sa pagtataguyod ng tatlo nilang anak.

Pero pagkasilang sa bunso nilang si Gab, napansin ni Gerlie na hindi na nawala ang akala niyang simpleng pamamanas lang noong una.

Iba-iba ang narinig niyang paliwanag ng mga doktor tungkol sa kaniyang kondisyon, gaya ng lymphedema, lymphoma, Elephantiasis, o simpleng nakagat siya ng lamok.

“Balik na ako nang balik sa ospital. Hanggang 8 years na, hindi pa rin gumagaling,” sabi niya.

Sinabi naman ng Rural Health Unit na kailangang masuri si Gerlie sa mas malaking ospital.

Naitampok ng vlogger na si Kuya Benjie Ramos ang kondisyon ni Gerlie.

Sa paglaban sa kaniyang karamdaman, dumating pa ang trahediya nang mamatay sa aksidente ang kaniyang mister noong 2022.

“Mahirap. Kinakaya ko lahat para sa anak ko. Hindi ko pinapakitang umiiyak ako sa harapan niya. Hindi ko pinapakita sa kaniya. Nagtatanong 'yung bata, ‘Bakit ka umiiyak mama?’” ani Gerlie.

Dahil hindi na kayang magtrabaho ni Gerlie, tumira muna sa kanilang mga kamag-anak ang nakatatanda niyang kambal para maipagpatuloy ang pag-aaral.

“Alam ko, ako ang nagkulang, hindi ko kayo pinalaking maayos anak. Wala na akong kakayahan sa paa ko anak. Sana patawarin niyo ako,” mensahe ni Gerlie sa kaniyang mga anak.

Si Gab ang tanging naiwan kay Gerlie. “Hindi ko naman naibibigay ‘yung kasiyahan niya,” anang ginang.

Kaya ang simpleng hiling ni Gab, muli sanang makalakad ang ina.

“Gusto ko po sana papayatin ang paa ni mama ko po, para lang makalakad po siya, susunduin niya po ako ng mga baon, tapos kung may iniwan po ako, dadalhin niya po sa school,” sabi ni Gab.

Tunghayan sa “Kapuso Mo, Jessica Soho,” ang pagsusuri ng mga doktor sa Maynila tungkol sa kondisyon ni Girlie, at ang ipinaabot na tulong ng Municipal Social Welfare and Development Office para sa kaniya at sa kaniyang anak. May pag-asa pa nga bang gumaling? Panoorin ang buong ulat sa video. – FRJ GMA News