Nasawi ang isang senior citizen na nagdiriwang ng kaarawan matapos mabangga ang kanilang kotse ng isa pang kotse na minamaneho ng isang 16-anyos na nakainom umano sa Zamboanguita, Negros Oriental.
Batay sa impormasyon ng GMA Regional TV, na iniulat sa Unang Balita nitong Martes, sinabing kasama ng biktima ang kaniyang apo at pauwi na sana para sa pagdiriwang ng kaniyang kaarawan nang maganap ang insidente.
Nawalan umano ng kontrol sa kotse ang menor de edad matapos siyang mag-overtake sa isang motorsiklo.
Sinabi ng pulisya na student permit lang ang hawak ng menor de edad na driver.
Sugatan ang menor de edad, pati ang apat pa niyang kasama sa kotse.
Umamin sa pulisya ang binatilyo na nakainom siya.
Kasalukuyang nasa ospital ang binatilyo at nakatakdang i-turn over sa kustodiya ng DSWD. —Jamil Santos/VBL GMA News
