Pumanaw sa murang edad na 22 si Lucia Sisic, ang kinoronahang Miss Austria noong 2024, at nanatili sa kaniya ang korona hanggang sa ngayon.
Inanunsyo ng Miss Austria organization na Mission Austria ang maagang pagpanaw ni Lucia sa isang Facebook post nitong Martes.
“It is with great dismay and deep sorrow that we learned of the passing of our Miss Austria 2024, Lucia Sisic,” ayon sa post.
“Lucia will remain in our memories as a wonderful young woman. Our thoughts and deep compassion are with her during this difficult time for her family, friends, and all those who were close to her," dagdag nito.
Ayon pa sa Mission Austria, mananatiling bahagi ng kanilang pamilya sa Miss Austria si Lucia.
“Rest in peace,” saad nito.
Hindi inihayag ang sanhi ng pagkamatay ni Lucia. Ngunit ayon sa ulat ng USA Today, isinilang ang Austrian beauty queen na may heart valve defect at sumailalim na sa pitong operasyon sa puso, na ang pinakahuli ay isinagawa noong nakaraang winter.
Sa isang Instagram post noong Agosto 2024, ibinahagi ni Lucia ang matagal na niyang pakikipaglaban sa kondisyon ng kaniyang kalusugan. Nagpasalamat siya sa kaniyang pediatric cardiology team habang naghahanda siyang lumipat sa pangangalaga ng adult cardiology.
Kinoronahan si Lucia bilang Miss Austria noong 2024, at nanatiling reigning queen hanggang sa kaniyang pagpanaw dahil walang idinaos na Miss Austria pageant sa taong 2025 at 2026. —Jade Veronique Yap/FRJ GMA News
