Nagbabalik at may dalang sorpresang single ang bandang IV of Spades na “Isang Pag-ibig.”

Dati nang na-upload ng OPM band ang awitin sa kanilang SoundCloud ngunit ngayon lang nagkaroon ng official release.

Sa music video, makikita ang banda na tumutugtog sa isang rooftop at sa isang tunnel. Makikita rin dito ang mga makukulay at funky na graphics.

Mensahe sa awitin ng mga bokalistang sina Unique Salonga at Zild Benitez, ang kuwento ng isang relasyon na hindi matatawag na pag-ibig.

Noong nakaraang taon, sinorpresa rin ng IV of Spades ang kanilang fans sa kanilang comeback single na “Aura” matapos ang limang taong pamamahinga.

Sa isang eksklusibong panayam sa GMA News Online, ibinahagi ng IV of Spades ang tungkol sa mga bagong yugto sa kanilang musika at sa kanilang pagkakaibigan.

Noong nakaraang Nobyembre, inilabas ng IV of Spades ang kanilang pinakabagong album na “Andalucia,” isang 12-track album na kinabibilangan ng mga awiting “Kabisado,” “Nanaman,” at “Suliranin.”

Unang nagtanghal ang IV of Spades sa mga arena noong Disyembre, bago nagsagawa ng tour sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas ngayong taon. Nakatakda rin silang magsagawa ng tour sa United States at Canada sa darating na Oktubre.

Binubuo ng Unique, Zild, Blaster Silonga, at Badjao De Castro, kilala rin ang banda sa kanilang mga awiting “Mundo” at “Come Inside of My Heart.”— Nika Roque/FRJ GMA News