Dalawang taong kanselado ang driver’s license ni Niño Muhlach dahil sa kinasangkutang aksidente sa Marcos Highway, Antipolo City, Rizal noong nakaraang Agosto, ayon sa Land Transportation Office (LTO).

Sa inilabas na pahayag ng LTO nitong Miyerkoles, sinabing lumabas sa isinagawang imbestigasyon at pagdinig hinggil sa insidente na nakaranas ng matinding pagkapagod ang aktor bago mawalan ng kontrol sa kaniyang minamanehong sasakyan.

Dahil dito, bumangga ang sasakyan ng aktor sa tatlong establisyimento, at isang lalaki ang nasaktan.

“Dahil dito, napatunayang may pananagutan ang nasabing aktor sa paglabag sa Reckless Driving at idineklarang Improper Person to Operate a Motor Vehicle, na naging batayan sa pagpapataw ng dalawang taong revocation sa kaniyang lisensya sa pagmamaneho,” ayon sa pahayag.

Samantala, mananatili umanong nasa “alarm status” ang sasakyan ng aktor para matiyak ang pagpapatupad ng ipinataw na parusa at maiwasan ang anumang transaksyon kaugnay ng sasakyan.

“Seryoso ang LTO sa pagpapatupad ng batas-trapiko, lalo na sa mga paglabag na maaaring magdulot ng panganib sa ibang gumagamit ng kalsada. Ipatutupad natin ang kaukulang kaparusahan batay sa resulta ng imbestigasyon at pagdinig, anuman ang katayuan ng sangkot,” ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Markus Lacanilao.

Una rito, inako ni Muhlach ang pananagutan sa kinasangkutan ng aksidente na dala umano ng matinding pagod.

"I take full personal and legal responsibility for what happened. My priority right now is ensuring that the affected individual receives all the necessary care, support, and medical assistance, and that all damages caused to the properties and establishments are fully compensated and rectified," anang aktor. – FRJ GMA News