Emosyonal na binalikan ni Pokwang ang masalimuot niyang karanasan bilang ina, nang hindi siya nakauwi noon sa Pilipinas nang pumanaw ang panganay niyang anak na si Shin dahil sa brain tumor.

Sa kaniyang nakaraang guesting sa i-Listen, sinabi ni Pokwang na 1992 nang isilang niya si Shin at 1996 naman si Mae, na pareho niyang iniluwal sa Pilipinas.

Gayunman, muling bumabalik si Pokwang sa Japan pagkasilang sa mga anak upang magtrabaho. Iniiwan niya ang mga bata sa pangangalaga ng kaniyang ina at kapatid.

May nakarelasyon noon na Japanese national si Pokwang, pero hindi nito sinuportahan ang kanilang mga anak.

Na-diagnose na may brain tumor

Ibinahagi ni Pokwang na nagtrabaho na siya sa Abu Dhabi noong 1998 nang ma-diagnose na may brain tumor ang panganay na lalaking si Shin, na anim na taong gulang noon.

“June kasi ako nu’ng umalis. Pero nakita na, August na nakita na mayroon siyang brain tumor. Pero bago ako umalis noong June, sabi ko bakit parang iba na 'yung lakad niya. Tapos bumabagsak 'yung katawan niya,” kuwento ng aktres.

“Tapos sabi ng nanay ko, ‘pag daw nagba-vomit siya, 'yung pasirit. Tapos, hindi niya makontrol 'yung lakad niya,” dagdag niya.

Kaya habang nasa Abu Dhabi si Pokwang, ang kaniyang pamilya na sa Pilipinas ang nagpapa-check up sa bata.

Kalaunan, inirekomenda ng doktor na ipa-CT scan si Shin.

“Doon nakita, malignant na… Congenital. Congenital 'yung bata. Pinanganak siyang meron,” ani Pokwang.

Dahil dito, nag-ipon si Pokwang ng pampagamot sa anak, at hindi agad nakauwi.

“No. Kasi sabi ko, kung uuwi ako, walang pampagamot 'yung bata. Kailangan ko mag-ipon ng pampagamot,” paliwanag niya.

Sa kabutihang palad, tinulungan naman siya ng mga kaibigan na Pilipino na matagal na sa Abu Dhabi. Ang kalagayan naman ni Shin, kailangan nang tubuhan at alisin ang tubig sa utak nito.

Nang ipadala ni Pokwang ang pera, huli na ang lahat.

“So, nagtulong-tulong 'yung mga Pilipinong mga kakilala ko doon. Pero nu’ng pinadala ko 'yung pera, wala na eh. Bumigay na 'yung bata. Hindi na niya kinaya. ‘Yung proseso pa lang,” pagbahagi niya.

“Namatay siya. Wala ako sa tabi niya,” paglalahad niya.

Naging masakit para kay Pokwang na malaman na lagi siyang hinahanap ng anak noong maysakit ito kung dumating na siya.

"Ang pinakakumurot talaga sa akin yung nasa ospital siya na, ‘Si mama ba 'yan? Si mama na…’ Every time na bubukas ang pinto. Tinatanong niya kung si mama na ‘yan [kung umuwi na siya]. Tinatawag niya ako. Siyempre tinatawag niya ako. Parang, ‘Si mama ko na ba ‘yan? Everytime na may dadalaw sa kaniya,” emosyonal na sabi ni Pokwang.

Bigong makauwi noon si Pokwang.

“Hindi rin ako makauwi kasi wala naman akong pamasahe. Ang sabi sa akin, ‘Kung uuwi ka nang hindi tapos ang kontrata, sasagutin mo 'yung pamasahe mo,” ani Pokwang.

Setyembre nang pumanaw noon si Shin, ngunit sa Disyembre pa puwedeng umuwi si Pokwang.

“Wala. Naipampalibing na lang ng bata 'yung napadala kong pera. December na ako nakauwi,” patuloy niya.

Dahil sa pangyayari, nagpasiya si Pokwang na hindi na maging OFW.

“Ayoko nang bumiyahe. Ayoko nang magtrabaho sa abroad. Kasi meron pa akong isang babae na anak, si Mae. Sabi ko, try ko makipagsapalaran dito sa Pilipinas,” sabi pa niya.

Tunghayan ang buong panayam ni Kara David kay Pokwang sa “i-Listen.” Panoorin. – FRJ GMA News