Mula sa pagiging dating housemate, magiging bagong host na si Michael Sager nang nalalapit na ikatlong season ng “Pinoy Big Brother: Collab Edition” sa GMA Network.

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa “24 Oras” nitong Lunes, ibinahagi ng Sparkle star na masaya siyang maibahagi sa iba ang kaniyang mga karanasan at pinagdaanan.

"Feeling ko naman lahat ng mga housemate na pumasok sa Bahay ni Kuya, iba-iba ang journey nila. Pero It’s something that they’re grateful for it’s a once in a lifetime opportunity,” sabi ni Michael.

Dagdag ng aktor, excited siyang maranasan ang “PBB” mula sa ibang perspektibo.

“Siguro I’m here to also learn din kasi lahat ng mga housemate na papasok I’m sure they have all wonderful stories to share,” patuloy ni Michael.

Ang payo niya sa magiging batch ng housemates, "Enjoy the ride.”

“Kasi yung Bahay ni Kuya, kapag nasa eviction ka na o Big Night you’ll realize na tapos na pala. And yung stay mo doon kasi wala kang problemang masyado. Like yung buhay mo talagang yung mga kasama mo lang, it’s really surreal, para siyang panaginip,” paliwanag ni Michael.

Pinayuhan din niya ang mga magiging housemates na harapin ang bawat araw na “one day a time” at maging mapagpasalamat.

Bukod sa “PBB,” nagpapasalamat din si Michael sa kanyang role sa nalalapit na seryeng “Way Back to You,” kasama sina AZ Martinez at Ralph De Leon, at bilang si Nate sa “Born to Shine.”

Mapapanood na ang "PBB Collab 3.0" ngayong October, at mga ordinaryong Pilipino ang bibigyan ng pagkakataon na makapasok sa bagong Bahay ni Kuya.

Sina Brent Manalo at Mika Salamanca ang naging first-ever Big Winner duo sa unang “PBB Celebrity Collab Edition.”

Nitong February, sina Caprice Cayetano at Lella Ford naman ang naging Big Winners sa “PBB Celebrity Collab Edition 2.0.” —Nika Roque/FRJ GMA News