Nilinaw ni Dennis Trillo sa mga reporter ang kaniyang paninindigan tungkol sa naging usapin sa pagitan ng kaniyang asawa na si Jennylyn Mercado at ang dating karelasyon ng aktres na si Patrick Garcia.

Sa kaniyang acceptance speech matapos makatanggap ng dalawang tropeo sa Golden Screen Awards, unang nagbiro ang aktor tungkol sa kaniyang nag-viral na “bag post,” at kalaunan ay nilinaw sa mga reporter sa sidelines ng event ang kaniyang paninindigan tungkol sa naging isyu tungkol kina Jennylyn at Patrick.

"Sayang hindi ko dala ang bag ko ngayon," panimula ni Dennis sa kaniyang speech na patungkol sa viral video niya kung saan nagtanong siya sa kaniyang followers ng "ano ang bag mo?"

Sa kaniya pa ring speech, binigyan niya ng shout-out ang asawa niyang si Jennylyn, at ipinahayag kung gaano siya ka-proud sa aktres.

"Ang aking number 1 supporter, ang aking kaagapay sa buhay, sa bahay, at sa lahat nang kaganapan sa mundo ko. Kay Jennylyn Mercado. Kung proud ka sa akin, mas proud ako sa 'yo," anang aktor.

Ayon sa ulat ni Athena Imperial sa “Unang Balita” nitong Lunes, nakipag-usap si Dennis sa mga reporter sa sidelines ng event at nilinaw ang kaniyang mga ginawa kasunod ng kontrobersiya.

"Siyempre pamilya ko ‘yon, walang ibang magtatanggol kung ‘di yung padre de pamilya di ba," sabi ni Dennis.

"Bilang tumatayong tatay ng pamilya, siyempre gagawin mo lahat para protektahan sila at all cost," dagdag niya.

Isinagawa ang awarding ceremony noong Sabado ng gabi, ilang sandali matapos niyang mag-react sa naging pahayag ni Gelli de Belen tungkol sa isyu sa GTV program na “Chika Cartel.”

“Sana huwag nating kalimutan na may mga batang pinag-uusapan at yun naman sila talaga ang pinakaimportante dahil yung mga magulang, yung mga nakakatanda nakapag-move on na sila sa mga buhay nila,” ani Gelli.

Sa isang post na kalaunan ay nawala na, sinabi ni Dennis: “Nananahimik kami… lahat ’yan ay natural na reaksyon ng matinong TAO! Pasalamat kayo, dinaan ko na lang sa ganyan. Oo, kawawa talaga mga bata, may mga anak din kami! Sisihin mo ’yung nagsimula ng gulo.”

Nang tanungin tungkol dito, nilinaw ni Dennis na hindi siya galit kay Gelli o kanino man.

Ipinaliwanag niyang “initial reaction” lang niya iyon bilang isang ama na pinoprotektahan ang kaniyang pamilya at iniiwasan ang karagdagang trauma, at may magdagdag pa ng masasakit na salita.

Si Patrick ang dating partner ng kaniyang asawang si Jennylyn at mayroon silang anak na si Alex Jazz. Sa isang panayam kay Ogie Diaz, itinanggi ni Patrick na iniwan niya si Jennylyn noong nagbubuntis ito.

Matapos ipalabas ang naturang panayam kay Patrick, nag-post si Dennis sa social media upang pasalamatan ang aktor sa pag-alala nito sa anak na si Jazz.

Nag-upload din siya ng video kung saan ipinakita ang bago niyang bag na may nakasulat na “not today satan” at tinanong ang kanyang mga follower ng “Ano ang bag mo?”

Sa Instagram, kung saan ibinahagi ng GMA Network ang bahagi ng lumang panayam ni Patrick sa “Fast Talk” na inilarawan niya ang kaniyang sarili bilang isang dedicated father, nag-iwan ng komento si Dennis na, “the struggle is real.”

"Mahilig din akong mag dedicate ng mga kana as a father," biro pa niya. — FRJ GMA News