Nawalan ng mga cellphone at pera ang ilang construction workers sa ginagawang isang gusali sa Barangay IV sa Dagupan City, Pangasinan matapos silang masalisihan ng isang kawatan habang nagmimiryenda.

Sa ulat ni Sendee Salvacio sa GMA Regional Tv One North Central Luzon nitong Lunes, napag-alaman na iniwan ng mga biktima ang kaniyang mga gamit sa ikatlong palapag, habang nagmimiryenda sila sa ika-apat na palabag.

Sa kuha ng CCTV camera, makikita ang suspek na dumating at umakyat sa ginagawang gusali. Ilang saglit lang, bumaba at umalis na ang lalaki na parang walang nangyari.

Hanggang sa natuklasan ng mga biktimang construction workers sa gusali na nawawala na ang kanilang mga cellphone at pera.

Ayon sa isang manggagawa, naging aburido ang mga kasama niya sa trabaho dahil sa nawawalang nilang mga gamit na kinabibilangan ng dalawang cellphone at cash na P1,500 na nakuha ng kawatan.

Ilang araw makalipas ang insidente, ipinost ng may-ari ng ginagawang gusali ang larawan ng suspek sa pag-asang may makakakilala rito para mahuli.

Ayon sa may-ari, may mga nagpadala sa kaniya ng mensahe na nabiktima na rin siya ng lalaki at ibinigay ang pangalan ng suspek.

Ibinigay naman ng may-ari ng gusali ang nakuha niyang impormasyon sa pulisya at barangay.

Ayon kay Brangay Chairman Alfonzo Zabala Jr. susuriin nila ang buong video ng insidente para alamin kung matutukoy nila ang salarin.

Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya.—FRJ GMA News