Patay ang isang 48-anyos na negosyante at kaniyang 53-anyos na driver matapos silang pagbabarilin habang sakay ng pickup truck sa Panabo City, Davao del Norte.

Sa ulat ni Danica Reneses sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Lunes, sinabing nangyari ang krimen sa isang gasolinahan sa Barangay Nanyo nitong Biyernes ng hapon.

Sa imbestigasyon ng pulisya, nagpapagasolina ang mga biktima nang lapitan sila ng salarin na nakasakay sa motorsiklo at pinagbabaril.

Nasawi ang mga biktima dahil sa tinamong mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Nakatakas ang mga salarin, at ilang basyo ng bala mula sa kalibre .45 na baril ang nakita sa pinangyarihan ng krimen.

Ayon kay Police Lt. Col. Ronald Lao, OIC, Panabo City Police, sinusuri na nila mga CCTV footage na inaasahang makatutulong sa isinasagawang imbestigasyon.

Inaalam pa ang motibo sa krimen at pagkakakilanlan sa salarin. – FRJ GMA News