Inilahad ni Michael De Mesa na 17-anyos lang ay naging ama na siya. Paano naman kaya siya tumayo bilang padre de pamilya sa kaniyang mga anak? Alamin.

“Maaga kasi ako naging tatay eh. Bale 17-years-old pa lang ako tatay na ako eh. So ang naging relationship ko sa mga anak ko parang magkaibigan lang kami,” pagbabahagi ni Michael sa kaniyang guesting sa Unang Hirit nitong Huwebes.

May tatlong anak si Michael sa kaniyang asawa noon na si Gina Alajar, na sina Ryan, Geoff, at AJ.

Paglalarawan niya, tila magkaibigan lang sila ng kaniyang mga anak.

“Parang magkakaibigan lang, parang magkakabarkada lang kasi growing up kumbaga, natututo pa rin akong maging tatay. So ganu’n ‘yung naging relationship namin na siguro 50% ‘yung pagiging tatay, and then 50% 'yung pagiging halos magkaibigan,” anang batikang aktor.

Ayon kay Michael, 17 taon ang agwat ng edad nila ng kaniyang panganay na anak na si Ryan.

Mapanonood si Michael sa pelikulang “Buddy,” kasama sina Shaira at asawa nitong si EA Guzman, pati na rin sina Benjie Paras, Elisse Joson, Elijah Canlas, at Empoy Marquez.

“Tungkol ito sa pamilya na longing sa attention ng kanilang father na tungkol sa isang father na nag-sacrifice para mabigyan ng magandang buhay ang mga anak niya. Pero later on, na-realize niya meron pala siyang mga consequences na nagkaroon ng pain sa mga bata kasi wala ‘yung father nila sa mga moments na importante para sa kanila,” sabi ni Michael.

Nasimulan nang mapanood ang “Buddy” sa mga sinehan nitong Nobyembre 4. – FRJ GMA News